About! (Tungkol Dito)

Hindi ako pala-salita.
Marahil, nagmana ako sa Nanay ko.
Nasasaktan ako pero hindi ako kikibo.
May naiisip ako, ngunit 'di ko ihahayag.
Kung mayroon mang akong 'di naibigan,
Hindi mo mapagtatanto.
Galit man ako, isasantabi ko ito
Lamang, 'di mo na 'ko makikita.

Kaya naman, kapag napuno ako
Silakbo ko'y 'di maiwasang umapoy.
Musmos pa lamang ako, napagtanto ko na;
Na ako'y may kakayahang manakit
Na kailanma'y 'di ko ninais.
Kaya sa isang panalangin,
Ako'y humingi ng tulong
Kung paano ang puso't isip ay maging mahinahon.

Dininig ng langit ang aking panalangin.
Pagtitimpi o temperance sa Ingles.
Isa sa pitong birtud ng kabanalan.
Ito ang natutunan ko sa paaralang Katolika
Ito ang naging sandata ko
Sa pagtitimpi't pagkamahinahon.
Upang kailanma'y 'di mapanakit.

Ayaw ko ng balitaktakan
Mas nanaising kong manahimik lamang.
Ayaw ko rin ng ingay
Mga tainga ko'y may hangganan.
Nguni't hanggang kailan ako magtitimpi?
Silakbo sa dibdib wari'y naghihimagsik.

Upang pagsabog ay maiwasan
Pagsulat naging hantungan.
Kaya dito sa ilawang papel
Damdamin aking ihahayag
Isasambit, iluluha.

Comments

Popular Posts